Friday, June 24, 2005

Day 5

Dear Sir Jope,

Hi sir! Kamusta po kayo? Sana po'y nasa mabuti naman kayong kalagayan habang binabasa ninyo ang e-mail ko na ito. Sa totoo lang, habang tinitipa ko ang mga letrang ito sa aking keyboard, pilit kong iniisip kung papaano ko maipapaliwanag ng malinaw ang nais kong ibahagi sa inyo ang karanasan noong nakaraang Biyernes, pagkatapos ng ating 330-430 class. Parang awkward nga rin itong ginagawa ko dahil isinusulat ko lang ang nais kong sabihin. Dapat, sasabihin ko ito sa diskusyon, ngunit natakot akong baka maiyak ako sa proseso ng pagbigkas ng saloobin ko...at nakakahiya yun dahil kakasimula pa lamang ng semestre. Kung kaya mas pinili kong isulat na lamang ito. :) Medyo mahaba-haba rin po ito kaya…pasensya na po.

Labis akong nabagabag pagkatapos ng klase natin nung Friday. Aaminin ko na sa tuwing magtatapos ang klase, marami talagang mga tanong ang namumuo sa aking isipan. Kaya lang sir, nung Friday talaga…sobra akong natamaan sa pinag-usapan at hindi ko napigilang umiyak pagkatapos.

Paulit-ulit kong inilalagay ang sarili ko sa sitwasyong nabanggit ninyo…yung tungkol sa batang nagtanong ng spelling ng Elijah sa mga magulang niya. Karamihan sa mga kamag-aral ko, sumagot na hindi nila pakikialaman ang bata at kanyang magulang, matututo rin siya kapagdaka at hahaba na lamang ang listahan ng mga maaaring mangyari…maybe at what if…Basta ganun na lang. Pagkatapos nun, maaaring ibahagi natin ang nakatutuwang karanasang ito sa ating mga kaibigan, sasabihing "hay..grabe talaga ano?"..tapos wala na tayong gagawin. Wala na. Wala.

Ganoon din marahil ang gagawin ko kung mapunta ako sa sitwasyong iyon. Nakakahiya nga namang lumapit sa isang mag-anak at magsalita na lamang basta. Halu-halo ang mararamdaman mo nun…Una, denial..Itatanggi mo na nangyayari iyon. Siguro sasabihin ko pa sa sarili ko…Ha? Totoo ba yung narinig ko? Ang bobo naman nun. Pwede ba yun? Hindi nila alam? Ikalawa, maaaring maging assumming o judgemental o mapanghusga ka na kaagad. Hay..What do you expect?! May pity o awa ka ring maaaring maramdaman. Kawawa naman sila. At paminsan, dahil sa catharsis na lilikhain ng mga emosyong bumabalot sa iyo, mapapakilos ka. Nanaisin mong tumulong. Mapaniniwalaan naman nila ako e. Marunong akong magmasid at umunawa, marunong akong magbunyag at hindi rin naman ako nagsisinungaling. Sa tingin ko'y mapagkakatiwalaan ako.

Kaya lang, hindi ganoon ang nangyayari. Sa huli, hindi na rin tayo nakatutulong (sa kasong ito, sa batang naturuan ng mali) dahil natatakot tayo. Natatakot tayo na baka masamaain ang ating gagawin, na baka hindi tayo maintindihan, na baka ganito, baka ganyan…na darating sa puntong wala na tayong magagawa.

Nababalot ang ating isipan ng takot at ng sobrang pag-intindi sa kung anong iisipin ng ibang tao at dahil dito, nagiging marupok ang pag-iisip, kinakalawang ang paggalaw natin. Hindi tayo nakakagawa. Kahit na ba ang puso't isipan nati'y buo sa paniniwala at pag-intinding may kakayahan tayo at karapatan na magturo ng tama, hindi natin ito nagagawa.

Nung una, inakala kong hindi na marapat pang pagnilayan ang isinagot ko sa aking isip sa sitwasyong nabanggit. Nasabi na ngang mababaw ang halimbawang ibinigay tapos pag-iisipan ko pa…pero yun na nga ang nakabagabag sa akin. Mababaw ang halimbawa ngunit ang implikasyon ng mga isinagot namin ay napakalalim, nakakatakot, nakapanghihinayang.

Nabanggit sa "Sapagkat ang Pilosopiya ay Isinasagawa" na para matuto tayo, "kailangan nating layuan ang [ating] nakasanayang giliw"…pero ginagawa ba natin yun? O magagawa ba natin iyon kapag dumating ang panahon na kakailanganin na? (Pero naiisip ko pa rin, kailan pa kakailanganin? Kailan mo malalaman kung panahon na? oops..too many questions...) Responsibilidad natin, na ibahagi ang karunungan at katotohanang tangan natin.

Bumabagabag sa akin ang katotohanang sa realidad ng buhay, ang paglundag mo beybe at pamamahagi ng katotohanan (bilang responsibilidad) ay hindi nangyayari dahil nga sa takot. Nakakainis. Conquer your fears dapat! Pero sa halimbawa ng batang hindi alam ang pagbabaybay ng Elijah (oh no, tama kaya ito?!) simpleng sitwasyon na nga lang, natatakot na tayo…pano pa kaya yung malakihang problema na. Yung Do or die? Kapag do or die na, saka na lamang tayo kikilos? Hindi tayo nagiging consistent kung ganoon…at baka huli na rin kung hihintayin pa ito. Hindi ako naniniwalang kaya nating gawin ang dapat nating gawin -- ang pagiging elemento ng pagbabago, kung sa simpleng bagay, hindi natin magawa. Malabong mangyari iyon.

Bilang Human Resources Head ng Ateneo Student Trainers, sinisigurado ko, bilang tagapamuno ng pagtanggap sa mga competent applicants na kakayanin nila ang mga gawain sa org. Kasama sa Recruitment Process yung mga situationnaire na susukat sa mga kakayahan nila sa facilitating, group processes at iba pa. Kasama rin sa panunuri naming ang mga karanasan at naging pagtugon nila sa ilang sitwasyon kung saan nakamit nila ang kanilang minimithi. Naniniwala ako bilang HR Head na "Past performance predicts future." Sa hinaharap, hindi malayong maging ganoon rin ang pagtugon mo sa mga mangyayari sa iyong buhay.

Minsan, nagpunta ako sa Formation Seminar namin sa STRAINS (Ateneo Student Trainers). Kinagabihan ng formsem, hinayaan kaming magnilay-nilay. Naupo ako sa sahig at tumingin sa labas. Nakita ko ang malawak na siyudad ng Antipolo. Gabi na noon at madilim na ang langit dahil walang mga bituin, ngunit buhay na buhay ang litrato ng siyudad dahil sa mga ilaw. Ang daming ilaw, ni hindi ko mabilang. At naisip ko, sa mga taong naroroon sa baba, ano kaya ang pakiramdam? Napakaganda ng buong scenery, maraming ilaw. Sa mga taong nasa ibaba, nasasabi ba nilang "Ang dami nang ilaw. Kung papatayin ko ang akin, wala naman sigurong makapapansin, marami pa namang iba e, bakit ko pa bubuksan ang akin hindi ba?" Ngunit ang hindi alam ng taong ito, may parte siya sa pagiging maganda ng nakikita ko. May kabuluhan ang ilaw niyang nakabukas at makaka-apekto ang pagpatay niya rito. Eh paano kung lima sa sampung taong may ilaw ang ganoon mag-isip? Edi pinatay rin nila ang ilaw nila. Nasira na rin ang magandang scenery na tinitingnan ko.

Sa Ateneo, ito na rin ay isang problema. Problema madalas ang kawalan ng mga pinunong mamumuno sa pagpuno sa ibang tao. Taun-taon, problema ang mga year council na bungi (ang 3yC ngayon, walang batch president, parang Voltes V na walang ulo!) Sabi nga ni Kuya Tatot Quiblat sa amin, "Are we running out of good people or are the good people running out on us?" At sa pagtatanong ko, maraming nakapagsabi sa akin na katulad nila ang mga taong may ilaw. Bakit nga naman sila magsisilbi sa sarili nilang paraan, kung walang kuwenta rin naman, kung hindi ito mapapansin at kung wala rin naman itong magagawa.

Bakit mo tutulungan ang batang iyon?

Tutulungan mo ang batang iyon dahil responsibilidad mo. At kahit na hindi magbunga ang pagtulong mo, para sa akin, isang malaking hakbang na yung sinubukan mong gawin, ginawa mo at ninais mong magbunga. Malaki ang pagkakaiba ng may ginawa ka…kaysa inisip mo lang gawin ngunit hindi mo itinuloy.

Sir, pasensya na kung mahaba na ito. Baka na-bore kayo sa pagbasa. Pero ayun. Na-frustrate lang talaga ako sa nangyari. Kahit ako, naisip ko na sa totoong buhay, maaaring hindi ko gawin ang dapat dahil sa takot o hiya -- at ito ang mas lalong bumabagabag sa akin, na baka dumating ang panahon na maging manhid na ako sa nangyayari dahil normal lang matakot at mahiyang gawin ang totoo.

Para sa isang taong naniniwala sa pagbabago at pagiging instrumento ng pagbabago...Nakakaiyak. Sa kabilang dako, parang puro ideyalismo naman kasi ako...pero kung ganun, sa realidad ba walang puwang ang pagiging ideyal?

0 Comments:

Post a Comment

<< Home