Friday, June 24, 2005

Day 5

Dear Sir Jope,

Hi sir! Kamusta po kayo? Sana po'y nasa mabuti naman kayong kalagayan habang binabasa ninyo ang e-mail ko na ito. Sa totoo lang, habang tinitipa ko ang mga letrang ito sa aking keyboard, pilit kong iniisip kung papaano ko maipapaliwanag ng malinaw ang nais kong ibahagi sa inyo ang karanasan noong nakaraang Biyernes, pagkatapos ng ating 330-430 class. Parang awkward nga rin itong ginagawa ko dahil isinusulat ko lang ang nais kong sabihin. Dapat, sasabihin ko ito sa diskusyon, ngunit natakot akong baka maiyak ako sa proseso ng pagbigkas ng saloobin ko...at nakakahiya yun dahil kakasimula pa lamang ng semestre. Kung kaya mas pinili kong isulat na lamang ito. :) Medyo mahaba-haba rin po ito kaya…pasensya na po.

Labis akong nabagabag pagkatapos ng klase natin nung Friday. Aaminin ko na sa tuwing magtatapos ang klase, marami talagang mga tanong ang namumuo sa aking isipan. Kaya lang sir, nung Friday talaga…sobra akong natamaan sa pinag-usapan at hindi ko napigilang umiyak pagkatapos.

Paulit-ulit kong inilalagay ang sarili ko sa sitwasyong nabanggit ninyo…yung tungkol sa batang nagtanong ng spelling ng Elijah sa mga magulang niya. Karamihan sa mga kamag-aral ko, sumagot na hindi nila pakikialaman ang bata at kanyang magulang, matututo rin siya kapagdaka at hahaba na lamang ang listahan ng mga maaaring mangyari…maybe at what if…Basta ganun na lang. Pagkatapos nun, maaaring ibahagi natin ang nakatutuwang karanasang ito sa ating mga kaibigan, sasabihing "hay..grabe talaga ano?"..tapos wala na tayong gagawin. Wala na. Wala.

Ganoon din marahil ang gagawin ko kung mapunta ako sa sitwasyong iyon. Nakakahiya nga namang lumapit sa isang mag-anak at magsalita na lamang basta. Halu-halo ang mararamdaman mo nun…Una, denial..Itatanggi mo na nangyayari iyon. Siguro sasabihin ko pa sa sarili ko…Ha? Totoo ba yung narinig ko? Ang bobo naman nun. Pwede ba yun? Hindi nila alam? Ikalawa, maaaring maging assumming o judgemental o mapanghusga ka na kaagad. Hay..What do you expect?! May pity o awa ka ring maaaring maramdaman. Kawawa naman sila. At paminsan, dahil sa catharsis na lilikhain ng mga emosyong bumabalot sa iyo, mapapakilos ka. Nanaisin mong tumulong. Mapaniniwalaan naman nila ako e. Marunong akong magmasid at umunawa, marunong akong magbunyag at hindi rin naman ako nagsisinungaling. Sa tingin ko'y mapagkakatiwalaan ako.

Kaya lang, hindi ganoon ang nangyayari. Sa huli, hindi na rin tayo nakatutulong (sa kasong ito, sa batang naturuan ng mali) dahil natatakot tayo. Natatakot tayo na baka masamaain ang ating gagawin, na baka hindi tayo maintindihan, na baka ganito, baka ganyan…na darating sa puntong wala na tayong magagawa.

Nababalot ang ating isipan ng takot at ng sobrang pag-intindi sa kung anong iisipin ng ibang tao at dahil dito, nagiging marupok ang pag-iisip, kinakalawang ang paggalaw natin. Hindi tayo nakakagawa. Kahit na ba ang puso't isipan nati'y buo sa paniniwala at pag-intinding may kakayahan tayo at karapatan na magturo ng tama, hindi natin ito nagagawa.

Nung una, inakala kong hindi na marapat pang pagnilayan ang isinagot ko sa aking isip sa sitwasyong nabanggit. Nasabi na ngang mababaw ang halimbawang ibinigay tapos pag-iisipan ko pa…pero yun na nga ang nakabagabag sa akin. Mababaw ang halimbawa ngunit ang implikasyon ng mga isinagot namin ay napakalalim, nakakatakot, nakapanghihinayang.

Nabanggit sa "Sapagkat ang Pilosopiya ay Isinasagawa" na para matuto tayo, "kailangan nating layuan ang [ating] nakasanayang giliw"…pero ginagawa ba natin yun? O magagawa ba natin iyon kapag dumating ang panahon na kakailanganin na? (Pero naiisip ko pa rin, kailan pa kakailanganin? Kailan mo malalaman kung panahon na? oops..too many questions...) Responsibilidad natin, na ibahagi ang karunungan at katotohanang tangan natin.

Bumabagabag sa akin ang katotohanang sa realidad ng buhay, ang paglundag mo beybe at pamamahagi ng katotohanan (bilang responsibilidad) ay hindi nangyayari dahil nga sa takot. Nakakainis. Conquer your fears dapat! Pero sa halimbawa ng batang hindi alam ang pagbabaybay ng Elijah (oh no, tama kaya ito?!) simpleng sitwasyon na nga lang, natatakot na tayo…pano pa kaya yung malakihang problema na. Yung Do or die? Kapag do or die na, saka na lamang tayo kikilos? Hindi tayo nagiging consistent kung ganoon…at baka huli na rin kung hihintayin pa ito. Hindi ako naniniwalang kaya nating gawin ang dapat nating gawin -- ang pagiging elemento ng pagbabago, kung sa simpleng bagay, hindi natin magawa. Malabong mangyari iyon.

Bilang Human Resources Head ng Ateneo Student Trainers, sinisigurado ko, bilang tagapamuno ng pagtanggap sa mga competent applicants na kakayanin nila ang mga gawain sa org. Kasama sa Recruitment Process yung mga situationnaire na susukat sa mga kakayahan nila sa facilitating, group processes at iba pa. Kasama rin sa panunuri naming ang mga karanasan at naging pagtugon nila sa ilang sitwasyon kung saan nakamit nila ang kanilang minimithi. Naniniwala ako bilang HR Head na "Past performance predicts future." Sa hinaharap, hindi malayong maging ganoon rin ang pagtugon mo sa mga mangyayari sa iyong buhay.

Minsan, nagpunta ako sa Formation Seminar namin sa STRAINS (Ateneo Student Trainers). Kinagabihan ng formsem, hinayaan kaming magnilay-nilay. Naupo ako sa sahig at tumingin sa labas. Nakita ko ang malawak na siyudad ng Antipolo. Gabi na noon at madilim na ang langit dahil walang mga bituin, ngunit buhay na buhay ang litrato ng siyudad dahil sa mga ilaw. Ang daming ilaw, ni hindi ko mabilang. At naisip ko, sa mga taong naroroon sa baba, ano kaya ang pakiramdam? Napakaganda ng buong scenery, maraming ilaw. Sa mga taong nasa ibaba, nasasabi ba nilang "Ang dami nang ilaw. Kung papatayin ko ang akin, wala naman sigurong makapapansin, marami pa namang iba e, bakit ko pa bubuksan ang akin hindi ba?" Ngunit ang hindi alam ng taong ito, may parte siya sa pagiging maganda ng nakikita ko. May kabuluhan ang ilaw niyang nakabukas at makaka-apekto ang pagpatay niya rito. Eh paano kung lima sa sampung taong may ilaw ang ganoon mag-isip? Edi pinatay rin nila ang ilaw nila. Nasira na rin ang magandang scenery na tinitingnan ko.

Sa Ateneo, ito na rin ay isang problema. Problema madalas ang kawalan ng mga pinunong mamumuno sa pagpuno sa ibang tao. Taun-taon, problema ang mga year council na bungi (ang 3yC ngayon, walang batch president, parang Voltes V na walang ulo!) Sabi nga ni Kuya Tatot Quiblat sa amin, "Are we running out of good people or are the good people running out on us?" At sa pagtatanong ko, maraming nakapagsabi sa akin na katulad nila ang mga taong may ilaw. Bakit nga naman sila magsisilbi sa sarili nilang paraan, kung walang kuwenta rin naman, kung hindi ito mapapansin at kung wala rin naman itong magagawa.

Bakit mo tutulungan ang batang iyon?

Tutulungan mo ang batang iyon dahil responsibilidad mo. At kahit na hindi magbunga ang pagtulong mo, para sa akin, isang malaking hakbang na yung sinubukan mong gawin, ginawa mo at ninais mong magbunga. Malaki ang pagkakaiba ng may ginawa ka…kaysa inisip mo lang gawin ngunit hindi mo itinuloy.

Sir, pasensya na kung mahaba na ito. Baka na-bore kayo sa pagbasa. Pero ayun. Na-frustrate lang talaga ako sa nangyari. Kahit ako, naisip ko na sa totoong buhay, maaaring hindi ko gawin ang dapat dahil sa takot o hiya -- at ito ang mas lalong bumabagabag sa akin, na baka dumating ang panahon na maging manhid na ako sa nangyayari dahil normal lang matakot at mahiyang gawin ang totoo.

Para sa isang taong naniniwala sa pagbabago at pagiging instrumento ng pagbabago...Nakakaiyak. Sa kabilang dako, parang puro ideyalismo naman kasi ako...pero kung ganun, sa realidad ba walang puwang ang pagiging ideyal?

Wednesday, June 15, 2005

Day 1

Ano ng ba ang nauuna: ang Pagmamahal o ang Pagkilala?

Nagmamahal ba muna tayo bago natin kinikilala ang taong ating minamahal?

Kinikilala ba muna natin ang ating mamahalin?

Mahal ako ng mga magulang ko. Tinataya kong bago pa nila ako nakilala, minahal na nila ako. Ni hindi pa nila alam ang magiging hitsura ko noon, ni kung magiging masama o mabuting tao ako. Ganumpaman, inaruga nila ako, binihisan, pinag-aral at minahal.

Hindi maitatagong may mga taong hindi ko lubos na kilala ngunit mahal ko. Ang ilan sa aking mga guro na nakasalamuha ko sa aking pag-aaral sa mababa at mataas na paaralan ang itinuturing kong mahal ko sapagkat naging bahagi sila ng paglaki ko at pag-inog ng aking pagkatao.

May mga taong hindi natin gaanong kilala pero nasasabi nating mahal natin sila. Ang Papa sa Roma ay hindi natin lubos na kakilala ngunit minamahal natin at nirerespeto. Mahal rin naman natin si Hesus kahit na hindi natin siya nakasama at sa mga libro lamang natin nalaman ang kanyang buhay. Ang Panginoon ay hindi natin masyadong kakilala, ngunit pinaniniwalaan natin siya, minamahal at sinusunod.

Para sa akin, ang katagang Love at first sight ang pinakamababaw na manipestasyon ng teoriyang pagmamahal bago pagkilala.

Sa kabilang banda, marami akong nakilala na minahal ko rin naman sa huli. Ano nga naman ba kasi ang mamahalin mo sa isang tao kung hindi mo siya kilala hindi ba?

Ang aking mga kaibigan ay nakilala ko muna. Tinanggap ko ang kanilang pagkatao - mga kamalian, nakaraan at kakayahan. Tinanggap ko sila ng buo, kung kaya may pinagsasaluhan kaming pagkakaibigan na sa huli'y nagiging pagkaka-ibigang matatawag.

Ganumpaman, may mga tao rin namang hindi ko minahal o mahal kahit kilala ko na sila. Marahil ang pagkakakilala ko sa kanila ang pumigil sa kain na mahalin sila.

Maaaring masabing iba-iba rin naman kasi ang mga kaso ng pagkakakilala at pagmamahal. Iba-iba ang lebel ng pagmamahal at pagkakakilala. Ngunit sa huli, sa paglalagom ng ating pag-usisa sa bagay na ito, isa rin lamang ang hahantungan, ang magiging sintesis o paglalagom ng pagtatalo ng isipan...

Marahil, sabay nangyayari ang pagkilala at pagmamahal. Walang nauuna at walang dapat na maging higit pa sa isa. Sa sandaling maging labis ang pagmamahal kaysa pagkilala, magkakaroon ng pagdududa kung sino ang ating minamahal, kung ano ang minahal o minamahal natin sa taong ito at kung bakit natin siya mahal o minamahal. Sa sandali namang maging labis ang pagkakakilala kaysa pagmamahal, magkakaroon ng pagdududa ukol sa damdaming ating nararamdaman, kung mahal ba talaga natin ang taong ito o nagiging alipin na lamang ng kasanayan sa isa't isa, nagiging routine ang mga bagay na ating ginagawa at nawawalan ng taos-pusong pagbibigay.

Ang katotohanan lamang ang makapagsasabi sa atin kung ang ating pagkakakilala sa isang tao ay tunay at kung ang damdaming ating nararamdaman ay pagmamahal nga.

Tayo'y umiibig sa katotohanan. Ang sandigan ng katotohanan ang pagiging totoo, ang pagiging mapagkumbaba at pagiging bukas sa pagtanggap ng anumang bagay.

Natural lamang sa isang tao na hanapin ang katotohanan, kaya ng siya nagtatanong, naghahanap ng sagot sa katotohanan ng mga bagay sa kanyang paligid.

Totoo bang nandaya si GMA? Kung ito'y totoo, marapat lamang na kumilos tayo ayon sa kung ano ang totoo.

Sa huli, hindi na rin nagiging importante kung totoo ang isang bagay. Paminsan, hinahanap na lamang natin ang kahulugan nito sa tao.

Kung may katotohanan ngang may relasyon halimbawa si Johanne sa kaniyang maid, hindi na natin dapat bigyang pansin kung totoo ito. Bibigyang pansin na lamang natin kung ano ang magandang naidudulot ng relasyon nila sa isa't isa. May katuturan nga ba ito?

Ngunit, sa huli, hindi na rin dapat importante kung ano ang totoo at kung ano ang kahulugan nito...ang pagkatao ng tao ang dapat bigyang pansin.
---
Isang nakatutuwang karanasan ang mabuksan ang isipan sa pilosopiya, isang pagmamahal na nagbabago.

Monday, June 06, 2005

Paalala

1. Psyche ay sangtumutubo. Tumutubo ang lahat sa logos. Tumutubo
ang lahat mula sa paghihidwaang angkop. Ang tao mula sa
pagkasanggol hanggang sa kanyang pagtanda ay bahagi ng psyche. Isa
siyang physei, tumutubo. Ang puno ay tumutubo mula sa butil
hanggang sa tuluyang paglago bilang marangal na puno. Sa bawat
pagtubo ay isang pag-alpas--pagbubunga ng hidwaan.

Tanong: Paano pinapakita ng bolpen ang psyche?

Totoo na ang tunay na paglago ng bolpen ay nasa sa paggamit ng
tao sa bolpen. Dahil napapakinabangan ng tao ang bolpen sa pagsulat
ng mga sanaysay at tula, atbp, nagiging mas bolpen ang bolpen. Kung
hindi ay tuluyan lamang masasayang ang pagkabolpen ng bolpen.
Ngunit kung titingnan natin ang bolpen lamang sa kanyang sarili,
hindi ba't ang dating karaniwang bolpen ay may mga goma na sa may
hawakan upang hindi magkakalyo ang gagamit? Hindi ba't mayroon na
ring bolpen na hindi lamang itim ang kulay o asul o pula? Hindi
ba't mayroon na ring bolpen na de pindot? Ang pagbabagong anyo ng
bolpen sa pagdaan ng panahon ay kakikitaan din ng psyche. May
matinong pagtubo ang bolpen upang umangkop sa pangangailangan ng
tao. Dapat lamang tandaan na, maiba man ang hitsura ng bolpen,
nananatiling bolpen pa rin ang bolpen. Isa. Buo.


2. Ang Logos ay Unum (isa). Para kay Heraklitus ang kaisahang ito
ay kinapapalooban ng hidwaan--isang hidwaan na kailangang umaayon sa
tamang sukat kung hindi ay makawawasak lamang. Mula sa hidwaan ay
ang pag-iisa. Ngunit anong klaseng pagkaka-isa? Itong isang ito ay
buo-hindi-buo, pareho-ngunit-iba, isa-ngunit-marami. Hindi isa na
pawang bilang isa kundi isang isa na kinasasangkapan ng marami.

Ako, ang puno, ang lupa, ang hayop, ang bato ay isa--buo-hindi-
buo. Hindi kami buo dahil magkakaiba kami ngunit buo din dahil nasa
ilalim kami ng isang ecosystem. Ikaw, ang silya, ang blackboard,
ang guro, ang silid ay buo-hindi-buo din! Isa sa klase, ngunit
magkakaibang isa na pinagsama-sama sa isa. Ang silya, buo-hindi-buo
din! May pako, kahoy, wood glue, pintura, iba pero isa.

Tanong: Paano naging isa ang bolpen? (Aasahan ko ang mga pagsubok
ninyong sagutin ang tanong na ito dito sa group.)


Paalala:
1. Ipapasa ang quiz sa lunes sa klase. Gamitin ang format sa
pagsulat ng reflection paper.
2. Wala tayong pasok sa Biyernes. Sa Lunes na tayo magkikita-kita.
3. Basahin na ang Modernity as the Transformation of Truth into
Meaning. (Gabay: Ano ang apat na pagbabagong naghari sa modernong
pakikipagsapalaran?)
4. Kung may tanong kayo ukol sa group quiz, mag-email lang kayo.
Tingnan natin kung masasagot natin dito sa group.

Salamat.

Sir Jope